My Teacher, My Hero.
Sino ang siyang nagtutuwid sa mga baligho nating pananaw? Sino ang siayng patuloy na nagkakawang-gawa para sa mga taong nagkukulang sa kaalaman? Sino ang siyang nagbibigay katuturan sa pangarap ng bawat kabataan? Bakit kaya hindi tayo magmuni-muni hanggang sa ating mapagtanto at sabihin sa sariling, “Wala ako sa posisyon ko ngayon kung wala ang aking mga guro. Mga buhay na bayani sa aking puso, at maging sa puso ng bawat tao.”
Ika nga nila, ang pagiging guro ay hindi lamang isang propesyon kundi isa ring mahalagang misyon. Naturingang responsable at propesyunal ang isang guro dahil sa hindi matumbasang oras, pagmamahal at pagsasakripisyo na ibinibigay nya sa kanyang mga mag-aaral. Minsan pa nga’y hindi na nila magawang paglingkuran ang sarili nilang pamilya. Araw-araw ay nasa paaralan at nagbabahagi ng kanilang kaalaman. Hindi nila iniinda ang pagkahapo sa maghapong pagkakatayo, hawak-hawak ang tisa at pambura at nagsusulat habang nagsasalita. Wala silang paghinawang umagapay. Patuloy ang kanilang pagkalinga sa mga kabataang nagkukumahog magtagumpay.
Ngunit ako, bilang estudyante, hindi ko maipagkakaila ang mga kabulastugan at mga sakit sa ulong aking ginagawa sa tuwing ang aking guro ay nagpupursiging magtalakay. Hindi ko maipagkakaila na kung minsa’y nagpapakawala ako ng mga salitang hindi dapat lumabas sa aking bibig sa tuwing siya’y nakatalikod. Hindi ko maipagkakaila na kung minsan ay sinusumbatan ko siya sa tuwing ako’y may pagkakamali at sinusubukan niyang itama.
Ngunit sa kabila ng mga ito, sino parin ang una kong nilalapitan? Ang aking mga gurong ni minsan ay hindi ako sinubukang pagsarhan ng pinto at tuluyang layuan. Ang aking mga gurong nanatiling bukas palad sa mga oras na wala akong matakbuhan. Ang aking mga gurong walang ibang ginawa kundi ako’y intindihin at imulat sa katotohanang hindi masama ang magkamali kung minsan. Ngayon, masasabi kong kayong mga guro, mga kampon ng karununga na may paninindigan sa propesyong sinimulan, mananatili kayong bayani sa aming mga puso’t isipan.
No comments:
Post a Comment